June 7, 2025

Korte, Nagpasok ng ‘Not Guilty’ Plea para kay Teves sa Kasong Illegal Possession of Firearms

Maynila — Isang not guilty plea ang ipinasok ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 12 nitong Huwebes para kay dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. kaugnay ng kinahaharap niyang kasong illegal possession of firearms and explosives.

Ito ay matapos gamitin ni Teves ang kanyang karapatang manahimik sa isinagawang arraignment, dahilan upang ang korte na mismo ang magpasok ng not guilty plea para sa kanya.

“That may be his way of saying that he refuses to enter a plea,” ayon sa kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio sa isang panayam sa pamamagitan ng Zoom.

Ang kaso ay nag-ugat sa umano’y pagkakakumpiska ng mga baril, pampasabog, at bala sa tahanan ni Teves sa Bayawan City, Negros Oriental noong Marso 2023 sa isang isinagawang operasyon ng mga awtoridad.

Dumalo si Teves sa arraignment sa Manila RTC Branch 12 sa ilalim ng mahigpit na seguridad ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI). Isinunod rin ang pre-trial hearing matapos ang arraignment.

Ayon sa prosekusyon, labing-tatlong (13) testigo ang kanilang ihaharap, habang dalawampu’t tatlo (23) naman ang ilalatag ng depensa — kabilang si Teves, ang kanyang anak na si Axl, at si Atty. Topacio.

Nag-file din ng mosyon ang prosekusyon upang pagsamahin ang kasong illegal possession of explosives sa kasong illegal possession of firearms. Tinanggap ito ng depensa at inaprubahan ng hukom.

Itinakda ang susunod na pagdinig sa darating na Hulyo 29, at ayon sa tala ng korte, inaasahang magtatagal ang mga pagdinig hanggang taong 2027.

Patuloy na nakatutok ang publiko sa kasong ito na may kaugnayan sa mas malawak pang isyung kinahaharap ng dating kongresista.