
MAYNILA — Pormal nang inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang “Pamilya Pass 1+3 Promo,” isang bagong fare initiative na nagbibigay ng libreng sakay tuwing Linggo sa tatlong kasama ng bawat nagbabayad na pasahero sa mga tren ng Metro Manila.
Simula Hunyo 1, sakop ng promo ang MRT-3, LRT Line 1, at LRT Line 2, bilang bahagi ng layuning mapalakas ang ugnayan ng mga pamilyang Pilipino.
Upang markahan ang paglulunsad, sumakay mismo si Pangulong Marcos, kasama sina First Lady Liza Araneta-Marcos at ang kanilang tatlong anak, sa MRT-3 mula GMA-Kamuning Station sa Quezon City.
“Sa kulturang Pilipino, ang Linggo ay para sa pamilya, para sa mga mahal sa buhay. Kaya natin ginawa ang 1+3 Program na ito,” pahayag ng Pangulo.
Ayon kay Marcos, ang programa ay inilaan upang matulungan ang mga pamilyang laging abala at bihirang makapiling ang isa’t isa dahil sa trabaho at mahabang oras ng biyahe.
“Sana mabigyan natin ng pagkakataon ang mga pamilya at magkakaibigan na magsama-sama. Na maramdaman kung ano talaga ang ibig sabihin ng Linggo.”
Dagdag pa niya, batid ng pamahalaan ang hirap ng mga commuter, kaya’t ang simpleng hakbang na ito ay isang paraan upang maibsan ang pasanin at maisulong ang quality time kasama ang pamilya.
