
LAOAG CITY, Ilocos Norte — Pormal nang binuksan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang 2025 Palarong Pambansa sa kanyang lalawigang sinilangan nitong Sabado, Mayo 25, 2025, kung saan kinilala niya ang dedikasyon ng mahigit 15,000 delegado mula sa iba’t ibang panig ng bansa at muling tiniyak ang suporta ng pamahalaan sa sports development sa mga paaralan at komunidad.
Binubuo ang kabuuang bilang ng 15,760 delegado ng:
- 9,719 atleta at para-athletes,
- 2,273 team officials,
- 2,564 delegation officials, at
- 1,204 technical officials at miyembro ng National Technical Working Group (NTWG).
Ang Western Visayas (Region VI) ang may pinakamalaking bilang ng kalahok na may 1,005 delegates, habang ang Philippine Schools Overseas (PSO) ang may pinakamaliit na delegasyon na may 14 kalahok. Nakiisa rin ang 130 student-athletes mula sa National Academy of Sports (NAS).
Sa kanyang talumpati, pinuri ng Pangulo ang sakripisyo at determinasyon ng mga batang atleta sa pagsabay ng pag-aaral at matinding ensayo.
“Hindi madali ang pinagdaanan ninyo. ‘Yung oras na ipapahinga ninyo, ginagamit pa ninyo para mag-practice. Ngunit wala sa inyo ang sumuko,” ani Marcos.
Muling iginiit ng Pangulo ang layunin ng administrasyon na palakasin ang grassroots sports at tulungan ang kabataang Pilipino na maabot ang kanilang mga pangarap.
“Ang gobyerno ay laging nasa likod ninyo. Tutulungan namin kayong maabot ang inyong mga pangarap. Dahil ang panalo ninyo, panalo na rin namin,” dagdag niya.
Samantala, sinabi naman ni Education Secretary at Palarong Pambansa Board Chairperson Sonny Angara na kailangang tutukan ang pagpapabuti sa mga pasilidad para sa sports sa mga paaralan, lalo na sa mga masisikip na eskwelahan.
“May mga lugar na kulang sa facilities. Gusto nating makipag-ugnayan sa mga sports clubs para mapalawak pa ang access ng kabataan sa palakasan,” pahayag ni Angara.
Pinuri rin niya ang solidong pagtutulungan ng mga stakeholder gaya ng DepEd, LGUs, at lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte para maisakatuparan ang matagumpay na edisyon ng Palarong Pambansa ngayong taon.
Bilang pagtatapos, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga kalahok na mangarap ng mas malaki at maging kinatawan ng bansa sa pandaigdigang kompetisyon.
“Malay natin, dito sa mga atleta ngayon ay mayroon tayong susunod na Manny Pacquiao, Hidilyn Diaz, Carlos Yulo, Aira Villegas, Nesthy Petecio, EJ Obiena, o Alex Eala,” aniya.
Ang 2025 Palarong Pambansa ay hindi lamang selebrasyon ng galing sa palakasan, kundi patunay rin ng masiglang suporta ng gobyerno sa kinabukasan ng kabataang Pilipino.
More Stories
CHARO AT DINGDONG, MAY HALIKAN SA BAGONG ROMCOM?
MATAPOS ANG NETFLIX, IBA PANG APP TATAAS NA RIN ANG PRESYO DAHIL SA VAT
“3 Pinoy Seaman Nakakulong sa Algeria, Mga Asawa nagpasaklolo kay PBBM