
MANILA — Nanawagan ang mga delegado ng Takeda Healthcare Philippines para sa mas matibay na adbokasiya sa karapatan ng mga pasyente bilang bahagi ng multi-sektor na solusyon sa isyu ng access sa gamot, kasabay ng kanilang paglahok sa kauna-unahang Southeast Asia Access to Medicine (SEA AtM) Summit na ginanap kamakailan sa Bangkok, Thailand.
Mahigit 100 lider, policymaker, eksperto, at tagapagtaguyod ng pasyente mula sa buong rehiyon ang lumahok sa summit upang talakayin ang mga konkretong hakbang tungo sa pantay at sustenableng access sa makabagong gamot, partikular sa mga underserved communities sa Southeast Asia.
Ayon sa ulat ng World Health Organization, huminto ang progreso tungo sa universal health coverage simula 2019, dahilan upang milyon-milyong indibidwal ang mawalan ng sapat na suporta medikal. Sa Pilipinas at ibang bahagi ng rehiyon, nananatiling hamon ang mahinang healthcare infrastructure, kakulangan sa screening, diagnostic services, at access sa tamang gamutan.
“Ang mga pasyente ay humaharap sa mga pagsubok na lagpas sa kanilang karamdaman — mula sa mataas na presyo ng gamutan hanggang sa limitadong access sa mga serbisyong medikal,” ayon kay Professor Guido David ng UP at OCTA Research. “Kailangan natin ng digital innovations para mapalawak ang distribusyon ng gamot, patient engagement, at treatment monitoring.”
Binanggit din ni Karen Villanueva, presidente ng Philippine Alliance of Patient Organizations, ang kahalagahan ng pakikiisa ng iba’t ibang sektor.
“Para magkaroon ng tunay na pagbabago sa karanasan ng pasyente, dapat magkaroon ng regular at makabuluhang partisipasyon sa mga diskusyong may kaugnayan sa kalusugan,” aniya.
Sa naturang summit, inilunsad ang Southeast Asia Access to Medicines Pledge, isang kolektibong kasunduan ng mga kalahok upang itulak ang pangmatagalang reporma sa access sa gamot sa rehiyon. Layunin ng kasunduan ang:
- Pagtataguyod ng inklusibong healthcare systems sa pamamagitan ng pakikiisa ng pamahalaan, industriya, civil society, at komunidad;
- Pagtutulungan para sa inobasyon, gamit ang scalable solutions sa mga sakit na matindi ang epekto sa SEA;
- Pagsulong ng makatuwirang polisiya na mag-aalis ng hadlang sa access sa gamot;
- Pagtaas ng boses ng komunidad, lalo na ng mga direktang apektado;
- Pagpapatupad ng konkretong roadmap para masukat ang progreso sa access to medicine.
Ayon kay Dr. N. Krishna Reddy, CEO ng Access Health International, ang summit ay nagsilbing mahalagang plataporma para sa inter-sectoral collaboration na makatutulong sa pagtugon sa malalalim na problema ng healthcare sa rehiyon.
Ang unang SEA AtM Summit ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Access Health, Asian Venture Philanthropy Network, at SingHealth Duke–NUS Global Health Institute, katuwang ang Takeda.
More Stories
Toby Tiangco, tinawag na ‘big loser’ ni Barry Gutierrez sa palpak na kampanya ng Alyansa
Marcos hinihikayat ang bayan na magkaisa at ituon ang pansin sa pag-unlad pagkatapos ng midterm elections
Walang ‘bloodbath’ sa impeachment trial ni VP Sara Duterte — Leila De Lima