
Quezon City, Abril 29, 2025 — Ilang araw bago ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, nanawagan ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ng agarang dayalogo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang itulak ang P200 na legislated wage hike para sa mga manggagawang Pilipino.
Sa ginanap na press conference ngayong Martes sa opisina ng TUCP sa Quezon City, bitbit ng grupo ang mga placard at liham na nananawagan kay Pangulong Marcos na sertipikahang “urgent” ang panukalang dagdag-sahod sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at pangangailangan ng mga manggagawa para sa makataong kita.
Ayon sa TUCP, kinakailangan na ang direktang pag-uusap sa pagitan ng labor sector at ng pangulo upang mapabilis ang proseso ng pag-apruba sa wage hike na matagal nang hinihintay ng milyon-milyong manggagawa sa pribadong sektor.
“Ang hiling namin ay simpleng makataong sahod para sa mga nagtatrabaho araw-araw ngunit hindi sapat ang kita para sa kanilang pamilya. Hindi pwedeng ipagpaliban pa,” pahayag ng TUCP sa press conference.
Binanggit din ng grupo na ang P200 dagdag-sahod ay makatutulong upang maibsan ang epekto ng inflation at makapagbigay ng mas disenteng pamumuhay para sa mga manggagawa sa buong bansa.
Samantala, sinabi ng TUCP na inaasahan nilang tutugon si Pangulong Marcos bago sumapit ang Mayo 1, Araw ng Paggawa, bilang simbolikong pagkilala sa halaga ng manggagawang Pilipino sa pag-unlad ng bansa.
More Stories
SLL Motorcade sa Cavite-Batangas
LIBRENG SAKAY SA MRT-3, LRT-1 AT 2: ALAY NI PBBM PARA SA MGA MANGGAGAWA SA LABOR DAY
OCD Bicol, Todo na ang Tugon sa mga Apektado ng Bulkang Bulusan Eruption