April 29, 2025

Pamamaril sa Barangay Cupang, Antipolo: Bebot kritikal

ANTIPOLO CITY, Rizal — Isang insidente ng pamamaril ang nangyari kagabi, Abril 28, 2025, sa Purok 6, Zone 8, Boulevard, Barangay Cupang, na nagresulta sa malubhang pagkakasugat ng isang babae.

Bandang 6:15 PM, nakatanggap ng tawag ang Police Community Precinct 1 ng Antipolo Component City Police Station mula sa mga tauhan ng Bayaga Outpost na sina PSSg Aaron Jay Basi at Pat Jolas Macadaeg tungkol sa insidenteng pamamaril. Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang PLTCOL Ryan L. Manongdo, Acting Chief of Police, kasama sina PMAJ Elmer B. Rabano, Deputy Chief of Police, at PLT Rolando Jalmasco, PCP1 Commander/Duty Officer of the Day.

Ayon sa paunang imbestigasyon, bandang 5:00 PM noong Abril 28, 2025, nagpunta ang biktima, si Jocelyn, isang residente ng Barangay Silangan, San Mateo, Rizal, sa bahay ng kanyang kaibigang si Joy Presido y Santos upang manghiram ng damit at pera. Matapos makuha ang mga pangangailangan, naglakad siya patungo sa isang maliit na eskinita kung saan siya pinagbabaril ng hindi kilalang suspek(s).

Dahil sa mga tinamo niyang malubhang sugat, agad siyang dinala ng mga tumugon na ambulansya mula sa Barangay Cupang sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang suspek(s) na responsable sa pamamaril. Hinihintay ang karagdagang updates hinggil sa kaso.