April 28, 2025

2 Bangkay na Nakatali ang Kamay, Natagpuan sa Boundary ng San Mateo at Antipolo

Dalawang naaagnas na bangkay na nakatali ang mga kamay ang natagpuan sa isang liblib na bahagi malapit sa boundary ng San Mateo at Antipolo City sa Rizal noong hapon ng Biyernes, Abril 25, ayon sa kumpirmasyon ng pulisya.

Iniulat nitong Lunes, Abril 28, na unang nadiskubre ang mga bangkay ng isang concerned citizen na napadaan sa lugar at nakasagap ng mabahong amoy na nagmumula roon.

Agad na nag-report ang nasabing residente sa mga opisyal ng Barangay Silangan, na siya namang nag-ulat sa mga awtoridad.

Kinumpirma ng pulisya na natukoy na nila ang pagkakakilanlan ng dalawang biktima.

Isinasagawa na ngayon ang follow-up operation at malalimang imbestigasyon upang alamin ang motibo sa krimen at tukuyin ang mga nasa likod ng karumal-dumal na insidente.