April 21, 2025

IMEE SA LUMABAS NA LARAWAN: ‘WALANG PERSONAL NA KONEK!’

Itinanggi ni reelectionist Senator Imee Marcos ang anumang kaugnayan sa Chinese national na si David Tan Liao, ang sumukong suspek kaugnay sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at driver nitong si Armanie Pabillo.

Sa panayam, mariing sinabi ni Marcos na wala siyang personal na pagkakakilala kay Liao, sa kabila ng kumakalat na larawan kung saan makikitang magkasama sila sa isang pagtitipon.


“Hindi ko nga kilala ang mga ‘yan,” ani Marcos, matapos bumisita sa Cainta, Rizal.


Paliwanag ng senadora, taun-taon ay may idinadaos na Chinese New Year celebration sa lumang tahanan ng kanyang ama (Ferdinand Marcos Sr) sa San Juan, kung saan bukas ang bahay para sa mga bisita—Tsinoy man o kaibigan ng mga imbitado.

“Sa totoo lang, ang nangyayari kasi riyan, tuwing Chinese New Year taon-taon ay may parties sa San Juan sa lumang bahay ng tatay ko. Kasi pinagmamalaki ng ama ko na Tsinoy sila. Ang dating Marcos kasi ay Chua at ang Edralin ay Lim kaya nagpapahanda rin kami kapag Chinese New Year,” paliwanag niya.

Dagdag pa ng senadora, hindi niya matandaan si Liao sa nasabing pagtitipon at wala rin siyang personal na interaction dito.


“Iba’t ibang mga Tsino/Tsinoy ang dumadating at andun ata si Anson. ‘Yung isa (Liao), hindi ko ata maalala. Kasi labas-masok kasi ‘yung dumarating parang open house kapag Chinese New Year. Hindi ko masyadong kilala, ‘yung iba nagbibitbit ng kaibigan,” aniya.


“Nakita ko nga ‘yung picture ni Anson pero hindi ko nakita ‘yung sa suspek… Pero first time kong na-meet ‘yun,” dagdag pa niya.


Si David Tan Liao ay sumuko kamakailan sa mga awtoridad matapos masangkot sa high-profile na kaso ng pagdukot at brutal na pagpatay kay Que at Pabillo. (Arnold Pajaron Jr)