
UMABOT sa 13 sakay ng pampasaherong bus, kabilang ang apat na lola ang sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa bahagi ng North Luzon Expressway na sakop ng Valenzuela City, Lunes ng gabi.
Isinugod ng mga ambulansiya ng NLEX Rescue Team at Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office (VCDRRMO) ang mga biktima, kabilang ang mga lolang sina ‘Marissa’, 83, ‘Teresita’, 65, ‘Angelyn’, 63, at ‘Narcisa’, 60, at siyam pang pasahero sa magkahiwalay na pagamutan sa Valenzuela Medical Center at Valenzuela City Emergency Hospital kung saan nilapatan ang tinamo nilang mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan.
Sa imbestigasyon ng mga tauhan ni Valenzuela Police chief P/Col. Nixon Cayaban, naganap ang insidente dakong alas-9:03 ng gabi sa Km. 12+900 ng North Luzon Expressway (NLEX) na sakop ng Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City.
Pawang tinatahak ng tatlong sasakyan ang expressway patungong Balintawak nang lumipat mula sa lane 4 ang pampaseherong bus na minamaneho ng 42-anyos na si alyas “Marlon” at sa sobrang bilis ng dating ay natumbok ang hulihang bahagi ng close van. Muling lumipat sa lane 4 ang bus at binangga naman ang hulihang bahagi ng Isuzu dump truck na minamaneho naman ng 28-anyos na si alyas “Eugene”.
Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang unahang bahagi ng bus kaya’t kinailangan pang basagin ang salamin ng bintana upang mailabas ang mga sugatang pasahero.
Ayon kay P/SMS Oliver Juan ng Traffic Investigation Unit ng Valenzuela Police, nakipagkasundo ang operator at driver ng bus sa mga biktima at nangakong sasagutin ang lahat ng gastusin sa ospital, pati na ang gamot at ang nasirang bahagi ng dump truck.
Gayunman, sasampahan pa rin ng kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at damage to property ang driver ng bus sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.
More Stories
ANG PHARMALLY QUEEN AT ANG KATAHIMIKAN NG COMELEC
ICC, inutusan ang prosekusyon na isumite ang ebidensya laban kay Duterte bago ang Hulyo 1
MAHIGIT P1 TAAS-PRESYO NG PETROLYO SA SUSUNOD NA LINGGO ASAHAN NA