
MAGLALABAS ang Commission on Elections (Comelec) ng show cause order laban kay Misamis Oriental Gov. Peter Unabia kaugnay sa umano’y sexist remarks nito hinggil sa nursing profession.
“Iyan po ay maaaring bukas ay magawa natin ‘yung show cause order na maise-send po sa kaniya hanggang Martes,” ayon kay Comelec Chairman George Garcia.
“Asahan niyo may aksyon din ang Comelec sapagkat again, kung ang pag-uusapan ay sexism o ‘yung mismong pagdi-discriminate sa kababaihan, kung hindi naman dahil sa relihiyon, ‘yan din po ay pinoprotektahan ng atin pong guidelines at resolusyon,” dagdag niya.
Ito’y matapos kumalat ang video ni Unabia sa online kung saan sinabi nito na ang kanilang nursing scholarship ay para lamang daw sa babae at dapat ‘gwapa’ o maganda.
“Itong nursing scholarship para lang ito sa mga babae. Hindi pwede ang lalaki. At dapat ‘yung mga babae, gwapa. Hindi naman pwedeng pangit kasi kung nanghihina na ang mga lalaking pasyente kapag hinarap ng pangit na nurse, paano naman? Lalala yung sakit nyan,” pabirong sambit ni Unabia.
Una nang sinabi ni Garcia na ang mga sexist remark at gender discrimination ay walang puwang sa isang sibilisadong lipunan, lalo na sa political campaign at hindi sila titigil sa pag-iisyu ng mga show cause orders hanggang sa may maparusahan.
Samantala, sinabi ng Comelec chief na hindi pa nagpapaliwanag si Pasig congressional bet Christian Sia sa poll body hinggil sa kanyang kontrobersiyal na single mom joke.
Binigyan si Sia ng ultimatum na tatlong araw o hanggang Abril 7 para sagutin ang show cause order.
“Kung hindi po sasagot ang naturang kandidato ay magkakaroon po ng tinatawag na waiver doon sa kanyang karapatan para doon sa pagsagot at magpo-proceed na po ‘yung Task Force SAFE natin upang alamin kung ano ang susunod na hakbang na dapat gawin,” paliwanag ni Garcia.
Nag-viral ang video ni Sia matapos ang kanyang naging joke kaugnay sa single mothers.
“Minsan sa isang taon, ang mga solo parent na babae na nireregla pa – Nay, malinaw, nireregla pa – at nalulungkot, minsan sa isang taon, puwedeng sumiping ho sa akin,” ayon kay Sia sa viral video.
Kalaunan ay nag-sorry siya at sinabi na nais niya lamang pukawin ang atensiyon ng mga audience.
More Stories
SANDRA BAUTISTA NG PILIPINAS KAMPEON SA BURBANK TENNIS TILT SA L.A CALIFORNIA
NWC HINIMOK SI MARCOS NA I-CERTIFY AS URGENT ANG P200 LEGISLATED WAGE HIKE
WELCOME BACK, VP SARA – HOUSE DEPUTY MAJORITY LEADER