
MAKALIPAS ang sampung taong pagtatago, nadakip na ng pulisya ang Most Wanted na pugante sa Valenzuela City nang matunton sa tinutuluyang lugar sa Lungsod ng Caloocan.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan sina Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Josefino Ligan hinggil sa tinutuluyang lugar ng akusado na si alyas “Raven”, 47, na kabilang sa mga Most Wanted Person sa Valenzuela City.
Agad inatasan ni Ligan si P/Col. Renante Pinuela, Force Commander ng Intelligence Section ng District Mobile Force Battalion (DMFB) ng NPD na pangunahan ang pagtugis sa akusado.
Dakong alas-6:25 ng gabi nang tuluyang maaresto ng mga tauhan ng DMFB ang akusado sa kanyang tinutuluyan lugar sa Rizal Avenue Ext., Brgy. 90, Caloocan City.
Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Hulyo 21, 2015 ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Lilia Mercedes Encarnasion A. Gepty ng Branch 75 para sa kinakaharap niyang kasong serious illegal detention with rape. Walang piyansang inilaan ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng akusado na ikinulong muna sa Custodial Facility Unit ng NPD habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail.
More Stories
DEATH TOLL SA MYANMAR QUAKE, UMABOT NA SA 2,056
1,057 PDLs laya na – BuCor
Mabilis na pagpapauwi sa 29 Indonesian nationals na nasagip sa POGO operations pinuri ni Gatchalian