March 25, 2025

TOLL FEE MULA BALINTAWAK HANGGANG MEYCAUAYAN LIBRE MUNA – NLEX

Bilang tugon sa panawagan ng Department of Transportation (DOTr), ililibre muna ng NLEX Corporation sa mga motorista ang singil sa toll sa bahagi ng northbound ng expressway mula Balintawak patungo sa Meycauayan simula Marso 24, 2025.

Mananatili itong epektibo hanggang muling magbukas ang apat na lanes ng Marilao northbound area.

Ito’y matapos magtamo ng pinsala ang Marilao bridge sanhi ng pagtama ng isang truck na dumaan sa ilalim nito.

Ipinatupad din ang traffic flow changes upang pangasiwaan ang patuloy na pagkukumpuni at matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.

Humingi rin ang NLEX Corporation ng pasensiya at pang-unawa sa mga motorista habang minamadali na nila ang pag-aayos at nagtatrabaho nang mabuti upang maibalik sa normal ang daloy ng trapiko sa lalong madaling panahon.