March 16, 2025

MARAMI PANG SISIBAKIN SA BI DAHIL SA PAGTAKAS NG PUGANTENG KOREANO

Kinumpirma ng Bureau of Immigration na may karagdagang mga empleyado ng Immigration na iniimbestigahan na ngayon para sa “posibleng pagkakasangkot, kapabayaan, o pagkukulang na pigilan” ang pagtakas ng South Korean fugitive na si Na Ikhyeon.

Sa press release, kinumpirma ni BI Commissioner Joel Viado ang development habang pinapalawak ang imbestigasyon sa pagtakas ni Na.

“This incident exposed deep-rooted problems within the system. Hindi ito simpleng pagkakamali—may sabwatan dito. We are identifying more personnel who may have played a role, directly or indirectly,” aniya.

Ipinahayag ng BI kung paano nakatakas sa kustodiya ang Koreanong fugitive na si Na Ikhyeon. Sinabi ni Viado na inirekomenda na niya ang preventive suspension ng ilang karagdagang tauhan ng BI, at may mga susunod pa.

Una nang sinibak ang tatlong Immigration employees, kabilang ang dalawang contractual workers at isang permanenteng empleyado at kinasuhan sa Department of Justice (DOJ).

“No one will be spared. Lahat ng may kasalanan, mananagot,” aniya.

Noong nakaraang Linggo, inanunsiyo ng BI ang muling pag-aresto kay Na kasama ang kanyang kasabwat na si Kang Changbeom sa Barangay Pampang sa Angeles City, Pampanga.

Nitong buwan lamang nang tumakas si Na sa mga awtoridad matapos dumalo sa court hearing sa Quezon City.

Nadakip siya noong Mayo 2023, pero hindi agad naipadeport dahil sa naka-pending na estafa case sa Quezon City Prosecutor’s Office.