March 4, 2025

Bago ang Ash Wednesday…  ‘SEVEN SINS’ NG PAMILYA DUTERTE SINUNOG NG CHURCH GROUPS

Ryan San Juan

SINUNOG ng  People’s Impeachment Movement (PIM) ang “seven deadly sins” ng mga Duterte sa pamamagitan ng isang Catholic ritual bago ang Ash Wednesday, Marso 5, simula ng penitential season ng Kuwaresma.

Inilunsad din nito ang kampanya upang makakalap ng isang milyong pirma para ma-pressure ang Senado na simulan kaagad ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Nagsagawa ang PIM, na binubuo ng mga pari, madre, pastor at laypersons, ng “Sunog Sala, Kontra Abo” prayer service sa Sacred Heart Parish-Shrine sa Kamuning Quezon City nitong Martes ng umaga, Marso 4.

“Sunog Sala,” na literal na nangangahulugang “pagsusunog ng mga kasalanan,” ay tumutukoy sa tradisyong Katoliko ng pagsusunog ng palaspas na ginamit noong nakaraang taon sa Linggo ng Palaspas upang makuha ang abo na kailangan para sa Ash Wednesday ngayong taon.

Habang ang “Kontra Abo” ay tumutukoy sa adbokasiya ng isang grupo – laban sa acronym na ABO, na nangangahulugang “Abusive Behavior and Oppression.”

“Ang pagsunog na ito ay simbolo ng matinding pagtutol sa pagbabalik ng mga Duterte sa kapangyarihan, pati na rin ang panawagan para sa katarungan ng mga biktima ng extrajudicial killings,” sabi ng isang emcee sa simula ng kaganapan.

Inilista ng People’s Impeachment Movement ang “pitong kasalanan” ng pamilya Duterte:

– Lust for Power (Pagnanasa sa Kapangyarihan): na nangangahulugang pagsasakripisyo ng soberanya ng bansa upang mapabuti ang relasyon sa Tsina.

– Envy (Inggit): na nagtulak kay dating pangulong Rodrigo Duterte na wasakin ang mga kritiko niya.

– Greed (Kahalayan): kabilang ang diumano’y kahina-hinalang paggamit ng P125 milyon ($2.16 milyon) ng Pangalawang Pangulo sa mga kumpidensyal na pondo sa loob ng 11 araw.

– Gluttony (Kakuriputan):  ang walang hanggang pagnanasa para sa kapangyarihan at pera na nagresulta sa dinastiyang politikal ng Duterte.

– Sloth (Katamaran): na nagdulot sa gobyerno na balewalain ang kapakanan ng karaniwang Pilipino.

– Anger (Galit):  na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong tao sa panahon ng panunungkulan ni Duterte

–  Pride (Kapalaluan): abilang ang paggamit ng karahasan upang ituloy ang giyera laban sa droga at iba pang mga layunin


“Sinunog namin ang mga palaspas, kasama ang mga kasalanan ng mga Duterte, gamit ang kandila ng pag-asa at katarungan,” sabi ni Father Flavie Villanueva, isa sa mga tagapag-ayos ng People’s Impeachment Movement, sa isang press conference pagkatapos ng prayer service.

Isa sa mga paraan kung paano maaaring managot ang mga Duterte ay sa pamamagitan ng agarang pagsisimula ng impeachment trial ng Bise Presidente, ayon sa grupo.