March 4, 2025

Wanted na ‘rapist’, isa pa nadakma sa manhunt ops sa Malabon

SHOOT loob ng rehas ang isang kelot na wanted sa kaso ng panggagahasa at isa pang wanted person matapos madakma ng pulisya sa magkahiwalay na manhunt operation sa Malabon City.

Ikinasa ng pinagsanib na mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS), Women’s and Children Protection Desk (WCPD) at Station Intelligence (SIS) ang pagtugis kay alyas “Jonhnel”, 22, na nakatala bilang No. 7 Top Most Wanted Person sa lungsod.

Dakong alas-2:00 ng hapon nang madakip ang akusado sa kanyang bahay sa Liwayway St., Brgy. Bayan-Bayanan.

Ang akusado na nakatala din bilang No. 8 TMWP sa NPD ay binitbit ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Rape na inisyu ng Malabon City Regional Trial Court Branch 73, noong February 4, 2021 na walang inirekomendang piyansal.

Samantala, alas-12:40 ng tanghali nang damputin ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station (SS7) sa Frederick St., Brgy. Hulong Duhat ang mangingisda na si alyas “Ruel”, 41, sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa P.D 1602 na inisyu ng Malabon City RTC Branch 292 noong January 16, 2025.

Nang kapkapan, nakuha kay alyas Ruel ang isang improvised handgun (pen gun) na kargado ng isang bala ng caliber .38 kaya mahaharap siya sa isa pang kaso na paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Act) at BP 881 (Omnibus Election Code of the Philippines).