March 4, 2025

P75-M PEKENG SAPATOS NASABAT SA 3 BODEGA SA BULACAN (4 Chinese timbog)

NAKUMPISKA ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang P75 milyong halaga ng pekeng sapatos sa isinagawang raid sa tatlong bodega ng apat na Chinese sa Meycauyan City, Bulacan.

Ayon kay CIDG Director, PMGen. Nicolas Torre III, nakatanggap sila ng reklamo hinggil sa sinasabing mga pekeng sapatos na iniimbak sa nasabing mga bodega kaya isinailalim ito sa surveillance operation.

Nang magpositibo, sabay-sabay na isinagawa ng CIDG Regional Field Unit 3 at CIDG Bulacan Provincial Unit 3 at CIDG Bulacan Provincial Field Unit, kasama ang lokal na pulisya ang raid nitong Pebrero 26, 2025 sa tatlong bodega ng Elite Globus Prime Holdings Corporation sa bisa ng search warrant.

Narekober ng mga awtoridad sa loob ng tatlong bodega ang Crocs footwear na may kabuuang halagang P75,390,000.

Nadakip din sa operasyon ang apat na Chinese nationals na sina Weibin, Zhenpan, Youding, at Wang, na pawang mga miyembro ng nasabing kompanya.

Bukod sa mga sapatos, nakumpiska rin ang iba’t ibang ebidensya tulad ng mga resibo, computer sets, CCTV DVR, at isang web mill printer na ginagamit sa kanilang iligal na operasyon.

Binigyang-diin ni PMGEN Torre III na mandato ng estado na protektahan ang karapatan ng mga imbentor, siyentipiko, at negosyanteng Pilipino laban sa paglabag sa kanilang intelektwal na pag-aari.

Kasalukuyang nahaharap ang mga inarestong suspek sa kasong paglabag sa Section 155 (Trademark Infringement) kaugnay ng Section 170 ng R.A. 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) dahil sa paggamit ng isang rehistradong tatak o kahawig nito nang walang pahintulot, na maaaring makapanlinlang sa mga mamimili.


“Tinitiyak ng CIDG na patuloy naming ipapatupad ang batas laban sa mga lumalabag, mapa-Pilipino man o dayuhan. Hinihikayat namin ang publiko na agad i-report ang anumang ilegal na gawain, kabilang na ang pamemeke ng produkto, upang mapigilan ang panloloko sa ating mamamayan,” pahayag ni PMGEN Torre III.