March 3, 2025

Matapos ang ban sa POGO… ONLINE GAMBLING IBAWAL – ESCUDERO (Mga Pinoy nalulugmok)

Nais ni Senate President Francis Escudero na ipagbawal ang Philippine Inland Gaming Operators (PIGO) matapos i-ban ng gobyerno ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ang PIGO ay isang uri ng kompanya na may lisensya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) upang mag-operate ng mga online gaming operations sa Pilipinas.

Sabi niya, hindi niya maintindihan kung bakit ipinagbawal ang POGOs pero pinayagan ang PIGOs na mag-operate.

“Ang nawawalan at naubusan ng pera ay Pilipino, at hindi dayuhan. At malamang sa malamang, yung mga dating POGO ay nagtatago sa likod ng PIGO,” aniya.

“Marahil, dapat ay tingnan at reviewhin din ito, dahil yung mga sinusubukan natin iwasang masasamang bagay, pagkakamali, pagkukulang, ay tila nandyan din sa PIGO , na ang tatamaan pa ay sarili natin mismong mga kababayan at hindi mga dayuhan lamang,” dagdag niya pa niya.

Sinabi niya na gusto niyang suriin ng Philippine Amusement and Gaming Corp. o PAGCOR ang licensing program kahit na ito ay isang pinagkukunan ng kita.

“Kung natalikuran nga nila yung malaking revenue at income din sa POGO, walang rason para hindi nila kayang talikuran din yung malaking income sa PIGO kung nakakasama na talaga ito sa ating mga kababayan,” sambit niya.

Sinabi ni Escudero na nais niyang mangalap ng datos kung magkano ang kinikita ng gobyerno mula sa mga PIGO. Samantala, sinabi ni Escudero na kinakailangan ang isang batas na nagbabawal sa POGOs upang hindi sila madaling makabalik sa ilalim ng bagong pangulo.

“Ako, walang problemang ipasa yun. Wala namang karamihan problema,  but it just has to go through the rigors of legislation. I don’t think there’s anyone in the Senate really strongly opposed to it.” 

Sinabi niya na dapat magtulungan ang mga awtoridad sa harap ng mga ulat na may mga POGO dens pa ring ni-raid kahit ilang buwan na ang lumipas mula nang ipatupad ang pagbabawal.

“Meron naman silang listahan ilan at sino-sino ba ang mga dayuhan na pinayagan nilang pumasok dito kaugnay ng POGO,” saad niya.