
SA layuning mapabuti ang kaligtasan sa kalsada para sa mga motorcycle at three-wheeled riders, idineklara ng dalawang pangunahing grupo ng motorcycle riders si dating Interior Secretary at Mandaluyong City Mayor na ngayon ay senatorial bet Benjamin “Benhur” Abalos Jr. bilang Ambassador for Road Safety.
Ang Motorcycle Philippines Federation at Motorcycle Road Safety Warriors ay pormal na iginawad ang pagkilala kay Abalos sa isang forum nitong Sabado, Marso 1 sa Ciarras Event Place sa Mandaluyong City kung saan binigyang-diin ng mga ito ang malawak niyang karanasan sa serbisyo publiko at dedikasyon sa pamamahala ng trapiko.
“Bilang isang lider na matagal nang nagsusulong ng road safety, naniniwala kami na si Benhur Abalos ang tamang tao upang pangunahan ang kapakanan at protesyunan ang mga motorcycle at three-wheeled riders” ayon sa pinagsamang pahayag ng dalawang grupo.

Sa forum, binigyang-diin nina Abalos at ng mga grupo ang pangangailangang palakasin ang mga hakbang sa road safety lalo na’t dumarami ang insidente ng aksidente sa motorsiklo.
“Noong 2022, nakapagtala ang Road Safety Unit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng hindi bababa sa 26,599 aksidente na may kinalaman sa motorsiklo. Lumobo ito ng 17.3 porsyento noong 2023 na umabot sa 31,200 aksidente. Ibig sabihin, may average na 78 motorcycle accidents bawat araw sa Metro Manila,” ayon kay Abalos.
Dagdag pa niya, bagamat 22% ng lahat ng road accidents noong 2023 ay mula sa motorcycle crashes, 54% naman ay mula sa car-related incidents. Sa Metro Manila, mahigit 86,000 aksidente ang naitala ng MMDA noong nakaraang taon.
Ayon naman sa datos ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), umabot sa 31,258 ang kabuuang bilang ng road accidents sa bansa noong 2024. Sa bilang na ito, 15,690 ang kinasangkutan ng motorsiklo habang 4,224 naman ang tricycle-related incidents.
Samantala, naniniwala si Abalos na mahalaga ang edukasyon upang maisulong ang road safety. kaya dapat magkaroon ng road safety subjects sa senior high school bilang paghahanda ng mga estudyante sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho.
Bukod dito, iminungkahi rin niya ang pagtatatag ng mas maraming motorcycle-riding training centers sa bansa sa pakikipagtulungan sa mga motorcycle dealers upang matiyak ang sapat na pagsasanay para sa mga rider.
Bilang dating chairman ng MMDA, isa sa mga inisyatibang sinimulan ni Abalos upang mapabuti ang road safety ay ang pagtatatag ng emergency lay-by areas para sa motorcycle riders sa kahabaan ng EDSA.
“Nauunawaan natin ang hirap na dinaranas ng mga motorcycle rider na kailangang huminto sa gitna ng kalsada kapag bumabagyo. Delikado ito at maaaring magdulot ng banggaan. Ang emergency lay-by ay nagbibigay ng mas ligtas na lugar kung saan sila maaaring maghintay hanggang gumanda ang lagay ng panahon” paliwanag ni Abalos.
Matatagpuan ang unang lay-by area sa ilalim ng Quezon Avenue na nakasabit ang entrance at exit signs.
May iba pang lay-by zones sa mga lugar ng flyover gaya ng Ortigas, Santolan, Kamuning, Kamias, C-5 at Commonwealth Avenue.
Gayunman, nakatulong din si Abalos sa pagpapaganda ng urban landscape ng Metro Manila sa pamamagitan ng paglikha ng pocket gardens sa ilalim ng mga flyover upang mapabuti ang kalidad ng hangin at gawing mas kaaya-aya ang mga lansangan.
Sa kanyang bagong tungkulin bilang Ambassador for Road Safety, layunin ni Abalos na ipagpatuloy ang kanyang adbokasiya sa kaligtasan ng mga motorcycle riders. (DANNY BACOLOD)
More Stories
PCSO at Bayanihan Sands nangibabaw sa 11th CAMI Clark Golf Cup
Davao Occ. Tigers COCOLIFE… ANG PAGBABALIK NG TIGRE SA MPBL!
WOMEN’S MONTH: CAMILLE VILLAR PUSHES FOR MORE OPPORTUNITIES FOR WOMEN