January 24, 2025

DAPAT O HINDI DAPAT BAGUHIN ANG ORAS NG PASOK NG GOBYERNO?

Marami ang tumataas ang kilay (isa na po ako) sa panukala ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na baguhin ang oras ng pasok ng mga mga empleyado ng gobyerno.

Para sa akin mga Cabalen, dapat siguro baguhin ang oras ng pasok mula sa alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon at gawing alas-7:00 ng umaga ang pasok at umuwi na lamang ng alas-4:00 ng hapon.


Bakit ka n’yo mga Cabalen? Una, mula alas-4:00 ng hapon karamihan sa mga empleyado ng gobyerno nawawala na sa kanilang upuan lalo na kung Biyernes. Ito ang lagi nating napupuna, isa din ito sa dahilan kung bakit napakaraming papel na hindi mapaikot dahil sa mga nawawalang empleyado na dapat pupuno sa pangangailangan ng mga sumasangguni dito.


Sa ilang taon po nating miyembro ng media na umiikot sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, nakita ko na at nakabisa ang mga routine ng ilan nating kababayan na nagtatarabaho sa gobyerno.


Karamihan dito ang mga ahensiyang malalaki ngunit hindi puntahan ng ating mga kababayan. Nakupo, mga Cabalen, lalo na po ang mga nasa local na pamahalaan. Karamihan sa kanila papasok ng alas-8:00 ng umaga, magmemeryenda ng alas-9:00 ng umaga, aalis sa upuan, tapos lunch break na ng alas-11:00 ng umaga dahil dadating na ang rasyon ng pagkain. Hanggang alas 12:00 o kung minsan ay alas-1:00 ng hapon (lalo kung wala si boss), alas-3:00 ng hapon meryenda ulit, at alas 4:00 ng hapon maghahanda na para umuwi ng alas 5:00 ng hapon. Ganito ang nakasanayan nating mga Pilipino.


Kaya kung ako kay Commissioner Aileen Lizada ng Civil Service Commission (CSC) huwag na niyang kuwestyunin pa ang panukala ng MMDA. Maaaring totoong may epekto ito sa schedule ng ating mga empleyado sa gobyerno at kaunti din ang positibong resulta nito upang solusyunan ang malaking problema ng traffic sa Metro Manila, subalit makakatulong pa rin ito.


Habang tiwala naman si MMDA Chairman Don Artes na ang isang oras na pagbabago sa pasok ng mga taga-gobyerno ay malaki ang maitutulong sa pagresolba sa problema sa traffic sa Metro Manila dahil aabot sa halos kalahating milyong mananakay na nagtatrabaho sa gobyerno ang mawawala sa lansangan sa rush hour.


Sang-ayon naman tayo sa kanya na kailangan pa din ang masusing pag-aaral bago tuluyang ipatupad ito.

Sang-ayon ba kayo diyan mga Cabalen?

Sa aking palagay kung papasok ang mga taga-gobyerno ng alas-7:00 ng umaga malamang higit na marami ang kanilang maiaambag sa lipunan. Bukod pa sa baka mabawasan ang mga commuters sa kalye sa rush hour sa pagitan ng alas 3:00 hanggang alas 8:00 ng gabi.