January 20, 2025

Chinese engineer, 2 Pinoy timbog sa pag-eespiya sa ‘Pinas

NAARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Makati City ang isang Chinese national at dalawang Pilipino na sangkot umano sa aktibidad na pang-eespiya sa bansa.

Ayon sa inisyal na ulat mula sa Department of Justice, Armed Forces of the Philippines, at National Bureau of Investigation, gumamit ang mga suspek ng teknolohiya para magmanman sa ilang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites, mga planta ng kuryente, mga shopping mall, airport, seaport, ilang tanggapan ng lokal na pamahalaan sa Luzon at marami pang iba.

Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang mga kagamitan na ginamit umano sa pag-monitor ng iba’t ibang military base at EDCA sites.

Kinilala ng NBI ang Chinese national na si Deng Yuanqing, isang engineering specialist mula sa People’s Liberation Army, at ang dalawang Pilipino na sina Ronel Jojo Balundo Besa at Jayson Amado Fernandez.

Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na target ng mga suspek na ikutin ang buong bansa, ngunit sa kasalukuyan ay ang Luzon pa lang ang kanilang naaabot.

Malaki rin aniya ang posibilidad na naipamahagi na sa ibang kasabwat ang mga impormasyong nakalap sa bansa, ngunit hindi pa direktang itinuturo kung may kinalaman ang gobyerno ng Tsina sa insidente.

Sabi rin ni Director Santiago, real-time aniya ang pagpapadala ng mga nakalap na impormasyon sa Tsina.