January 20, 2025

Rider na walang helmet, tiklo sa mga baril at shabu sa Caloocan

KALABOSO ang isang rider matapos mabisto ang shabu at dalawang baril makaraang sumemplang nang tangkain takasan ang mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint sa Caloocan City, Lunes ng madaling araw.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) ActinG Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi n Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals na habang nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station 5 sa Northe Diversion Road, coner Pangako St., Brgy. 141 nang parahin nila ang isang lalaki na sakay ng motorsiklo dahil walang suot na helmet dakong alas-3:10 ng madaling araw.

Sa halip na huminto, tinangkang tumakas ng lalaki subalit, nawalan ito ng kontrol sa minamanehong motorsiklo at sumemplang na naging dahilan upang maaresto ng mga pulis si alyas “Jaysie”, 41.

Nang tignan ang laman ng kanyang pulang sling bag, nadiskubre ng mga pulis sa loob ang ang isang kalibre .9mm pistol na may apat na bala, isang kalibre .45 pistol na may dalawang magazine at mga bala at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P68,000.

Ayon kay Col. Canals, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Acts 10054, 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Act), Section 11 of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), Article 151 of the Revised Penal Code (Disobedience to a Person in Authority), at Omnibus Election Code (BP 881).

Inatasan naman ni Col. Ligan ang pulisya na isailalim sa masusing imbestigasyon ang suspek upang alamin kung sangkot siya sa gunrunning syndicate at carnapping lalu’t hindi rehistrado ang motorsiklo niyang ginagamit.