January 20, 2025

Wanted na rapist, nakorner sa Malabon

KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang lalaki na wanted sa kasong rape matapos makorner ng pulisya sa manhunt operation sa Malabon City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Malabon Police chief P/Col. Jay Baybayan na nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan sa kanilang lugar sa Brgy. Catmon ang presensya ni alyas “Jumong”, 37, na nakatala bilang No. 4 Top Most Wanted Person sa lungsod.

Agad inatasan ni Col. Baybayan ang Warrant and Subpoena Section (WSS) na bumuo ng team para sa gagawing pagtugis sa akusado.

Katuwang ang mga tauhan ng Police Sub-Station 7 at Northern Police District – District Special Operations Unit (NPD-DSOU), agad nagsagawa ng joint operation ang WSS na nagresulta sa pagkakadakip sa akusado dakong alas-3:40 ng hapon sa Gov. Pascual Avenue, Barangay Catmon.

Ang akusado ay binitbit ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Rhoda Magdalene L. Mapile-Osinada ng RTC Branch 289, Malabon City, noong December 3, 2024 para sa kasong Rape through Sexual Assault in relation to Section 5(b) of R.A. 7610, at Statutory Rape.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.

Pinuri naman ni Col. Ligan ang Malabon police sa kanilang mabilis na koordinasyon sa pagkakadakip sa akusado.