January 24, 2025

PNP CHIEF MARBIL POSIBLENG MANATILI SA PUWESTO HANGGANG HUNYO –  DILG SEC. REMULLA

INIHAYAG ni Interior Secretary Jonvic Remulla na mayroong “indikasyon” na manatili sa puwesto si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Marbil hanggang Hunyo.

Itinalaga si Marbil bilang hepe ng Pambansang Kapulisan noong Abril 2024, at inaasahang magreretiro ngayong Pebrero, sa gitna ng official election period para sa 2025 midterm polls.

Gayunpaman, sa Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules, sinabi ni Remulla na: “There are indications that he will be extended until June, but let the President be the one to announce that. Indications pa lang.”

“Tapos na ang rigodon ng personnel, so magiging ineffective kung maglalagay ka ng bagong Chief PNP,” paliwanag pa ng opisyal.

Sa pinakahuling balasahan, 10 matataas na opisyal – kabilang ang walong heneral – ang binigyan ng mas mataas na responsibilidad sa Central Luzon, Central Visayas at Zamboanga Peninsula regional offices na epektibo noong nakaraang Biyernes.

Nagsimula ang election period noong nakaraang Linggo, Enero 12 at nakatakdang matapos sa Hunyo 11, 2025.

Bago pa man ang halalan sa Mayo 2025, inutusan na ni Marbil ang kapulisan na palakasin ang kanilang mga pagsisikap laban sa private armed groups at loose firearms.