January 20, 2025

HVI drug suspect, huli sa P3.6M shabu at baril sa Malabon buy bust

NASAMSAM sa isang drug suspect na itinururing bilang High Value Individual (HVI) ang isang baril at mahigit P3.6 milyong peso halaga ng shabu matapos matimbog ng pulisya sa buy bust operation sa Malabon City, Lunes ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong suspek na bilang si alyas “Mark”, 41, Casino Agent at residente ng Tolentino St., Brgy., 88, Caloocan City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Col. Baybayan na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation matapos magpositibo ang natanggap nilang ulat hinggil sa umano’y pagbebenta ng suspek ng shabu.

Isang operatiba ng SDEU ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P30,000 halaga ng shabu.

Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer ay agad siyang dinamba ng mga operatiba ng SDEU dakong alas-10:30 ng gabi sa Mango Road corner Nangka St., Brgy. Potrero.

Ayon kay Col. Baybayan, nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 535 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P3,638,000.00, isang caliber .45 baril na may isang magazine na kargado ng limang bala at buy bust money na isang tunay na P1,000 at 29-pirasong P1,000 boodle money. Sasampahan ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II of R.A. 9165 at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearm and Ammunition in relation to BP 881 Omnibus Election Code.