January 11, 2025

DA: IMPORTED NA BIGAS HANGGANG P58/KG

Naglabas ng panuntunan ang Department of Agriculture (DA) kaugnay ng hindi maawat na pagtaas ng bigas sa merkado.

Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Agriculture Secretary ang aniya’y pagtatakda ng “maximum” suggested retail price (SRP) na P58 sa kada kilo ng imported na bigas sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Ayon sa DA, sisimulan sa National Capital Region (NCR) ang implementasyon ng “maximum” SRP ng mga imported rice sa Enero 20.

Para kay Laurel, napapanahon nang seryosohin ng pamahalaan ang problemang dulot ng mga utak-sindikatong negosyante sa likod ng hoarding, profiteering at price manipulation ng imported rice.

Bago pa man aniya nagpasya ang departamento, kinausap muna ng DA ang iba’t ibang stakeholders sa industriya tulad ng mga rice miller, trader, importer, retailer, at mga katuwang na ahensya ng gobyerno.

Sa paliwanag ni Laurel, ginamit na basehan sa P58 maximum SRP ang pinakamahal na nakitang presyo ng magandang bigas na 5% broken rice galing Vietnam at isinama na rin sa kwenta ang taripa at tubo ng traders at retailers.

Sa pagtataya ng kagawaran, tutubo pa rin ng P10 ang mga importer sa retailer sa maximum SRP na P58 per kilo.

Gayunpaman, nilinaw ng Kalihim na imported rice lang ang saklaw ng maximum SRP.