January 10, 2025

PINAY HULI SA P24-M COCAINE SA NAIA

Iniinterbyu ni BI-ATG head Bienvenido Castillo III ang suspek na si Joy Dagonano Gulmatico. (ARSENIO TAN)

NADAKMA ang isang Pinay matapos mahulihan ng illegal na droga ng Bureau of Immigration-anti-terrorist group (BI-ATG) nitong Huwebes ng gabi.

Ayon kay BI-ATG head Bienvenido Castillo III, naaresto ang suspek na si Joy Dagonano Gulmatico, 29, nang dumating mula Sierra Leone lulan ng Ethiopian Air flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Saad pa nito na na-monitor nila ang kahina-hinalang flight pattern na tinahak ng subject, kaya’t agad nilang inirekomenda na siya ay inspeksyunin ng mga miyembro ng NAIA drug interdiction task group (DITG).

Sinuri ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang bagahe ni Gulmatico at natagpuan ang mga kahina-hinalang substansiya na nakatago sa loob ng lining ng apat na handbag at isang maleta.

Tumulong din sa pag-iinspeksyon ang mga miyembro ng NAIA-DITG na kinabibilangan ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group at National Bureau of Investigation.

Sa ginawang pagsusuri ng BOC nakumpirma na ang powdery substance ay positibo sa cocaine, na may timabang na 4.574 kilo na may street value ng mahigit sa P24 milyon

Inaresto ng mga awtoridad ang nasabing tao para sa inquest proceedings at siya ay nahaharap na ngayon sa mga kaso ng drug trafficking. (ARSENIO TAN)