January 20, 2025

DOH SA PUBLIKO: GAWING LIGTAS, MALUSOG ANG HOLIDAY SEASON

NANAWAGAN ang Department of Health Western Visayas Center for Health Development (DOH WV CHD) sa publiko na bigyang-prayoridad ang kalusugan at kaligtasan ngayong holiday season sa pamamagitan ng kanilang Ligtas Christmas 2024 campaign.

 “The DOH reminds the community to remain vigilant about potential health hazards while enjoying the festivities. Ligtas Christmas aims to educate and empower the public to prioritize well-being during this joyous time,” saad ni Dr. Ma. Femie P. Japitana, Medical Coordinator for the Food and Waterborne Diseases Program.

Itinataguyod ng nasabing kampanya ang healthy lifestyle sa pamamagitan ng wastong nutrisyon, ehersisyo at disiplina.

Binibigyang-diin din nito ang kaligtasan sa kalsada at hinihimok ang mas ligtas na alternatibo sa mga paputok, gaya ng mga organized display at mga pampaingay na kagamitan tulad ng “torotot,” tambol, at mga light stick.

Ayon sa datos na ipinakita ni Iloilo City Health Office Nurse II Dariane Joy Papa, may 294 na insidente ng pinsala dulot ng paputok sa Western Visayas ang naitala noong nakaraang taon, kung saan 33 porsyento ay kinasasangkutan ng mga bata na may edad 1 hanggang 10 taon.

“Children are often injured collecting unexploded firecrackers. We remind the public not to touch them,” ayon kay Papa.

Binibigyang-diin din ni Japitana ang ligtas na paghahanda ng pagkain, lalo na para sa mga madaling masira na putahe tulad ng spaghetti at pasta, na maaaring magdulot ng food poisoning kung hindi maayos na maiimbak.

 “Food should be left out for no more than two hours and refrigerated at below five degrees Celsius,”aniya.

Ang DOH WV CHD ay patuloy na nagtataguyod ng mga praktis sa kaligtasan at kalusugan upang matiyak ang masaya ngunit ligtas na panahon ng kapaskuhan para sa lahat.