November 16, 2024

3 biktima ng human trafficking, nasagip ng BI

NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport ang tatlong pasaherong Pinoy na hinihinalang biktima ng human trafficking at illegal recruitment.

Ayon kay BI Port Operations Division Acting Chief Grifton Medina, ang naturang mga pasahero ay napigilan ang pag-alis sa bansa noong nakaraang linggo na patungo sana sa Middle East at Europe. Isa sa kanila ay patungo sa Dubai habang ang dalawa ay ay nakadestino sa Greece.

“Thanks to the vigilance of our primary inspectors for foiling these attempts by human trafficking syndicates to sneak their victims out of the country,” ayon kay Medina.

Dagdag nito na dinala na ang mga biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa imbestigasyon.

Ayon naman kay Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) Head Ma. Timotea Barizo, ang Dubai-bound passenger ay naharang matapos mahalata ng immigration officer na ang Overseas Employment Certificate (OEC) ng biktima ay hindi cleared at validated ng Philippine Overseas Employment Administration-Labor Assistance Center (POEA-LAC) desk sa NAIA.

Nang beripikahin sa POEA-LAC, lumabas na tamperred ang OEC na inisyu sa ibang tao hindi sa mismong pasahero.

Inamin naman daw ng biktima na ang kanyang biyahe ay iprinoseso ng kanyang mga handlers at ibinigay lamang ang kanyang mga dokumento nang makarating ito sa paliparan.

Ang dalawa namang patungong Greece ay nagprisinta rin umano ng mga pekeng travel documents kabilang na ang pekeng OEC at local employment certificate.

Inamin din ng dalawa na saka lang ibinigay ng kanilang mga handlers ang kanilang mga dokumento nang makarating sila sa airport.

Nagbayad daw ang bawat isa ng P95,000 para asikasuhin ng kanilang handlers ang kanilang mga dokumento at pagbiyahe sa ibang bansa.