November 27, 2024

REP. TIANGCO: MAS MARAMING KADIWA STORES, MAKAKATULONG SA MGA MAGSASAKA

SINABI ni Navotas Congresman Toby Tiangco na ang pagdadag ng mas maraming tindahan ng Kadiwa sa buong bansa ay makakatulong para lumaki ang kita ng mga magsasaka at magbibigay sa mga mamimili ng murang pagkain.

Ayon kay Tiangco, layunin ng Department of Agriculture (DA) na magtayo ng 71 pang Kadiwa sites sa pagtatapos ng taon, na nakatuon sa mga pangunahing lungsod sa labas ng National Capital Region (NCR).

“Napatunayan po ng administrasyong Marcos na kaya nating ibaba ang presyo ng prutas, gulay at iba pang pagkain. Napakalaking tulong ng Kadiwa stores sa ating mga kababayan at dapat lang maiparating pa natin ang programang ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa,” pahayag ni Cong. Tiangco.

“Bukod dito, malaking tulong din ito sa ating mga magsasaka dahil nabibigyan sila ng pagkakataon na direktang ibenta ang kanilang ani. Dahil walang middleman, lumalaki ang kanilang kinikita habang nagiging mas mura naman ang presyo ng pagkain,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Tiangco na ang pagpapalawak ng Kadiwa sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay naaayon sa layunin ni Pangulong Marcos na mas madaling mapuntahan ang mga tindahang ito at magbenta ng mga murang produktong pang-agrikultura sa mga Pilipino.

Sa kasalukuyan, mayroong 41 operational Kadiwa centers sa buong bansa, kasama ang 67 iba pa na pinamamahalaan ng National Irrigation Administration habang ang karamihan ay matatagpuan sa NCR, mayroon ding mga site sa Rizal, Laguna, Cavite, Bulacan, at Cebu.

Ani Tiangco, plano ng administrasyong Marcos na magbukas ng 1,500 Kadiwa sites sa buong bansa sa 2028.