December 23, 2024

QUIBOLOY MANANATILI SA PNP CUSTODIAL CENTER (Sa kabila ng utos na ilipat sa QC jail)

Photo Credit: Benjur Abalos/FB

MANANATILI si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy at ang apat na kapwa niya akusado sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa kabila ng utos ng korte na ilipat ito sa New Quezon City Jail.

Ipinag-utos ng Regional Trial Court Branch (RTC) 106 na ilipat si Quiboloy at kapwa akusadong si Cresente Canada sa kulungan sa Bagong Silangan, Quezon City mula sa PNP Custodial Center.

Inutos din ni Judge Noel Parel ang paglipat sa tatlo pang akusadong sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, at Sylvia Cemanes sa Quezon City Jail-female dormitory sa Camp Karingal.

Ngunit ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, may hiwalay na utos ang Pasig RTC na si Quiboloy at kapwa akusado ay dapat manatili sa custodial center.

Ang kasong child and sexual abuse charges ni Quiboloy sa QC RTC ay bailable pero ang kasong qualified human trafficking sa Pasig RTC ay non-bailable.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa oras ng pagbabasa ng sakdal sa mga akusado dahil pareho itong itinakda sa darating na Biyernes.

Sabi ni Fajardo, ang arraignment sa Quezon City RTC ay maaaring gawin sa pamamagitan ng video conference, habang sa Pasig court, inoobliga ang pagdalo ng mga akusado.

Tiniyak naman ng PNP na ligtas si Quiboloy sa Custodial Center sa kabila ng insidente ng hostage taking kay dating Senador Leila de Lima noong nakakulong pa siya rito.

Ayon kay Fajardo, sinisiguro nila na hindi na mauulit ang pangyayaring pangho-hostage ng isang miyembro ng Abu Sayyaf ilang taon na nakalipas.

Nagkaroon na umano ng adjustment sa paghihigpit sa security ang PNP dahil sa pagkakakustodiya ng mga importanteng bilanggo subalit hindi nila ito maaring ilabas sa media.

Aniya, magkahiwalay ang lugar kung saan nakakulong ang mga babae at lalaki at tig-isang kuwarto ang mga ito pero hindi sila nagkikita-kita. Kabilang sa nakadetine sa Custodial Center si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.