September 20, 2024

WANTED TIMBOG SA HIDEOUT SA VALENZUELA

SA selda ang bagsak ng isang lalaki na wanted sa kasong sexual abuse matapos masukol ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni Valenzuela police P/Col. Nixon Cayaban kay NPD P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pinagtataguang lugar ng 21-anyos na akusado na kabilang sa mga most wanted person ng Morong Rizal.

Bumuo ng team ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) saka nagsagawa ng manhun operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-6:00 ng gabi sa Area 4, Sitio Pinalagad, Barangay Malinta.

Ayon kay Col. Cayaban, binitbit ng kanyang mga tauhan ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Maria Josefina Goseco San Juan-Torres ng Regional Trial Court Branch 79, Morong Rizal noong March 18, 2024, para sa paglabag sa Sexual Abuse under Sec. 5 (B) of R.A. 7610 (4 Counts).

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman.