September 28, 2024

Lalaki kulong sa panggugulo at baril sa Valenzuela

SHOOT sa kulungan ang isang lalaki matapos maghasik ng takot makaraang magwala habang may bitbit na baril sa Valenzuela City.

Sa report na nakarating kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, nakatanggap ng tawag sa telepono ang mga tauhan ng Gen T De Leon Police Sub-Station (SS2) mula sa mga barangay tanod na nanghihingi ng police assistance hinggil sa isang lalaki na nagwawala habang may bitbit umanong baril sa L. Bernardino St., Brgy., Gen. T. De Leon.

Agad namang inatasan ni SS2 Commander P/Capt. Selwyn Villanueva ang kanyang mga tauhan na rumesponde sa nasabing lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na si alyas ‘Boy Amok’ dakong alas-11:30 ng gabi.

Nakumpiska ng mga tauhan ng Capt. Villanueva sa suspek ang walang kaukulang papeles na isang caliber .38 revolver na kargado ng tatlong bala.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Art. 155 of RPC at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act).