November 23, 2024

Sekyu ng Valenzuela city hall, kulong sa pagnanakaw

ARESTADO ang isang bantay-salakay na security guard matapos ireklamo ng pagnanakaw sa alahas at cash ng isang empleyado ng city hall ng Lungsod ng Valenzuela.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr., mahaharap sa kasong theft ang naarestong suspek na si alyas “Cruz”, 40, residente ng Brgy., Ugong ng lungsod.

Sa pahayag ng biktimang si alyas “Francisco, 50, empleyado sa naturang city hall kina Valenzuela police investigators PMSg Regimard Manabat at PMSg Julius Congson, bandang alas-5 ng Martes ng hapon, pauwi na siya nang matuklasan niyang nawawala sa kanyang drawer sa kanilang opisina accounting office ang kanyang P3,000 cash at gold na singsing na nagkakahalaga ng P10,000.

Nang ni-review ni Francisco ang closed-circuit-television (cctv) camera na naka-‘install’ sa kanilang tanggapan, nakita sa kuha ng cctv na binuksan ni Cruz ang drawer ng biktima gamit ang flashlight ng cellphone nito kaya agad humingi ng tulong sa pulisya si Francisco.

Kaagad namang inatasan ni Col. Distura si P/Capt. Ronald Bautista, hepe ng Detective Management Unit (DMU) para arestuhin ang suspek na inabutan ng grupo sa lobby ng city hall kung saan siya nakadestino at nakuha sa kanyang ang nawawalang singsing ni Franciso habang wala na ang pera.