Tiyak na lalong gaganahan ang mga atleta sa buong mundo dahil sa naging anunsiyo ng World Athletics na magbibigay ito ng $50,000 sa bawat makakasungkit ng gintong medalya, na ang kabuuang prize pool ay $2.4 million, para sa paparating na Olympic Games sa Paris.
Para sa mga relay, hahatiin ang $50,000 sa apat na kasapi ng koponan.
Iyan pa lang ang simula at palalawakin ito sa Los Angeles 2028 kung saan tatanggap din ang mga magtatapos ng pilak at tanso. Ang pondo ay kukunin ng World Athletics mula sa makukuha nilang bahagi ng kabuuang kikitain ng Olympics.
Ang makasaysayang desisyon nito ay kabaligtaran sa mga alituntunin ni Baron Pierre de Coubertin at kanyang mga kasama noong itinatag nila ang modernong Olympiada noong 1896 sa Athens. Sa maagang kasaysayan ng palaro ay may ilang mga atleta na binawian ng medalya matapos silang mapatunayan na tumanggap ng salapi kapalit ng paglaro ng sports subalit sa paglipas ng panahon ay may ilang mga sports na pumayag na maglaro ang mga propesyunal tulad ng basketball noong Barcelona 1992.
Matagal din na nagbibigay ang mga pamahalaan at National Olympic Committee ng insentibo sa mga kampeon. Sa kaso lang ni Tokyo 2020 gold medalist weightlifter Hidilyn Diaz, may inilaan na P10-milyon para sa kanya sa ilalim ng Batas Republika 10699 at tinatayang kabuuang lampas P50-milyon mula sa pribadong sektor kasama ang ilan pang regalo gaya ng mga sasakyan, bahay at lupa.
Sa gitna ng usapin ay umusbong muli ang hinala na may kinalaman ito sa plano ng Pangulo ng World Athletics Sebastian Coe ng Gran Britanya na tumakbong Pangulo ng International Olympic Committee (IOC) oras na mapaso ang termino ni Thomas Bach ng Alemanya sa 2025. Hindi ito tanggap dahil bawal ang pampublikong pangangampanya.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY