December 24, 2024

Sa hirit na kondisyon bago sumuko… QUIBOLOY ‘BUNTOT KUMAKAWAG’ – PBBM

Tinawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na “pagkawag ng buntot” ang ginawang paglatag ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader na si Pastor Apollo Quiboloy ng kondisyon nito para sumuko.

Sa inilabas na warrant para sa pag-aresto kay Quiboloy, sinabi ng “self-proclaimed son of God” na susuko lamang siya sa mga awtoridad kung titiyakin ng gobyerno na hindi makikialam ang Estados Unidos o US sa kanyang kaso.

“I think it seems to be a little bit tail wagging ano, na siya ang magbibigay ng kundisyon sa gobyerno doon sa kaso niya, akusado siya, sa warrant of arrest,” sa isang panayam kay Pangulong Marcos.

Para sa Pangulo, hindi na dapat pang humirit ng mga kondisyon si Quiboloy dahil “we will exercise all the compassion to Pastor Quiboloy, we’ve known for a very long time. Ang maipapangako na all the proceedings will be fair.”

Sa magiging papel naman ng Estados Unidos sa usapin, sinabi ng Pangulo na malayo pa ang bagay na ito.

“That’s going to take years. So I don’t think that something he needs to worry about quite frankly,” ayon sa Pangulo.

Nauna rito, ayaw patulan ng Department of Justice (DOJ) ang pahayag ni Quiboloy na nagtatago siya dahil ayaw niyang makialam ang mga awtoridad ng Estados Unidos at hindi dahil umiiwas siya sa batas.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, matibay ang mga ebidensya sa mga kaso laban sa pastor kaya dapat harapin ito ni Quiboloy nang walang kondisyon.

Tiniyak naman ng kalihim ang kaligtasan ng religious leader sakaling sumuko na ito, kasabay ng paalala na walang nakaaangat sa batas kahit sino man. Bukod sa warrant of arrest na inilabas ng Davao Regional Trial Court laban kay Quiboloy noong April 3 dahil sa kasong child abuse, hinihintay ngayon ng DOJ ang paglalabas ng isa pang warrant na mula naman sa Pasig RTC dahil sa kasong qualified trafficking.