Bukas mga Ka-Sampaguita, gugunitain ng ating mga kaibigan at mga kababayang kaanib sa Iglesia Ni Cristo ang ika-106 anibersaryo sa Pilipinas.
Sapol noong Hulyo 27, 1914, nairehistro ang Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas sa pamamahala ni Ka Felix Y. Manalo, kaalinsabay ng World War I.
Sa kanyang payak na pagsisimula, dumaan ang INC sa masalimuot na pagsubok. Hamak sa paningin ng kaibayo sa papanampalataya. Ngunit, kalaunan, unti-unti itong lumago at lumakas.
Ang dating bahay-sambahan nila na yari lang sa sawali, pawid at kawayan ay naging kongreto na. Isa na ngayon sa hinahangaang arkitektura sa ating bayan.
Dumami rin ang naging kaanib at mga naitatag na distrito. Dumami rin ang mga nag-aaral sa ministeryo upang mangaral ng mga ‘Salita ng Diyos’. Mula rito, kung ating lilingunin, malayong-malayo na ang narating ng Iglesia.
Nang pumanaw ang unang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo (ang sinasampalatayanan ng INC na ‘ Sugo ng Diyos sa mga huling araw’)—ang Ka Felix Manalo, ipinagpatuloy ni Ka Erdy Manalo ang gawain ng Sugo. Sa kanyang pamamahala, nakarating ang Iglesia sa ‘far west’ noong July 27, 1968 sa Honolulu, Hawaii.
Lalo pang dumami ang naitayong gusaling sambahan at lokal. Sa panahon ni Ka Erdy, naitatag ang lokal ng INC sa Roma noong July 27, 1994, Jerusalem, Israel noong Marso 31, 1996 at sa Athens, Greece noong Mayo 10, 1997.
Marami ring mga gusaling naipatayo sa panahon ni Ka Erdy. Kabilang na rito ang pagpapatayo ng ospital, paaralan, pabahay at resettlement projects.
Nang pumanaw ang Ka Erdy noong Agosto 31, 2009, ipinagpatuloy ng anak nitong si Ka Eduardo V. Manalo ang pamamahala.
Sa panahon ni Ka Eduardo, naitayo ang Philippine Arena na tinaguriang ‘World’s Largest Mixed-Used Indoor Arena’ ng Guinness World of Book Records. Pinasinayaan ang nasabing arena noong July 21, 2014 na mayroong 55,000 seating capacity.
Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit sa 156 bansa at teritoryo ang Iglesia Ni Cristo at marami pang lahi ang naabot ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ng radio, babasahin at telebisyon, napararating sa mga tao ang mabuting balita.
Tumutulong din ang INC sa ating mga kababayan dahil sinusunod ng kapatiran ang kautusang: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”
Kaya, mga Ka-Sampaguita, binabati natin ng “Happy 106th anniversary’ ang ating mga kapatid sa Iglesia Ni Cristo.
Atin pong ipagpapatuloy sa susunod na talakayan ang paksa natin tungkol sa ating pagpupugay sa INC. Adios Amorsekos.
More Stories
Paggunita sa Kaarawan ni Emilio Jacinto, Matagumpay!
‘PASINGAW’ NG LPG NI ‘ERIC’ SA TIAONG, QUEZON WALANG SINASANTO AT WALANG KINAKATAKUTAN
LANDBANK INUPAKAN SA MALIIT NA PAUTANG SA MAGSASAKA, MANGINGISDA AT P3.6-B UTANG NG MARIKINA