November 24, 2024

Manyak na fitness instructor, tiklo sa Caloocan

HIMAS-REHAS ang isang manyakis na fitness instructor na paulit-ulit na tsina-tsansingan ang isang menor-de-edad na dalagita matapos kasuhan ng mga magulang ng bata sa Caloocan City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NDP) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta na iniutos niya ang pagtugis sa akusadong si alyas “Yuri”, 35, binata, matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang hukuman.

Ayon kay Col. Lacuesta, kabilang si Yuri sa listahan ng mga itinuturing na Most Wanted Person sa Lungsod ng Caloocan at prayoridad sa ginagawang operasyon ng pulisya na nakabatay sa agresibo at tapat na pagpapatupad ng batas na layunin ni PNP Chief P/Gen. Benjamin Acorda, Jr.

Dakong alas 3 ng hapon sa mismong Araw ng mga Puso nang tuluyang nasukol ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ang akusado sa tinutuluyang niyang bahay sa 65 G. Martinez Ext Kapanalig St. matapos ang mahigit isang linggong pagmamanman ng pulisya.


Maayos na naisilbi kay Yuri ang arrest warrant na inilabas noong Pebrero 1, 2024 ni Presiding Judge Barbara Aleli Hernandez Brioes ng Caloocan City Family Court Branch 1 para sa limang bilang na kasong Lascivious Conduct sa ilalim ng Sec. 5 (B) ng R.A. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act”.


Binigyan naman ng hukuman ng pagkakataong makalayang pansamantala si Yuri kapalit ng paglalagak niya ng piyansang nagkakahalaga ng P1,000,000.00.