November 15, 2024

163 pares ikinasal sa Kasalang Bayan sa Valenzuela

UMABOT sa 163 Valenzuelano couples ang nagdiwang ng kanilang pagmamahalan at sabay-sabay na ikinasal sa libreng “Kasalang Bayan” na inorganisa ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pangunguna ni Mayor WES Gatchalian bilang bahagi ng pagdiriwang ng Valenzuela City’s 26th Charter Day at Valentine’s Day.

Pitumpung mag-asawang Valenzuelano mula sa District 1 at siyamnapu’t tatlong mag-asawa naman mula sa District 2 ang dumalo sa mass wedding ceremony na ginanap sa Casa de Polo sa Barangay Poblacion at La Rosa Pavilion sa Barangay Gen. T. de Leon.

Pinangasiwaan ni Mayor WES ang wedding rites ng 163 mag-asawa na sinaksihan naman ng Sangguniang Panlungsod at mga pamilya ng mga bagong kasal. Ang libreng civil wedding program na ito ng Pamahalaang Lungsod ay ginaganap taun-taon para sa mga Valenzuelano na nagnanais magpakasal sa kanilang mga kapareha.

Ani Mayor WES, libre ang pagproseso ng mga dokumento at bayad sa aplikasyon para sa marriage licenses at nagbigay din ang lokal na pamahalaan ng mga bulaklak, catering, at mga larawan sa kasal na may frame para sa mga mag-asawa.

Para maging mas espesyal at hindi malilimutan ang kanilang honeymoon, nabigyan din ng libreng tirahan ang mga bagong kasal sa isang hotel sa Quezon City. Binigyan din sila ng Pamahalaang Lungsod ng SM Gift Certificates na nagkakahalaga ng Php 500 at grocery package bilang bahagi ng kanilang mga regalo sa kasal.

Para makasali sa civil wedding program at makakuha ng Marriage License, ang mga pares ay sumailalim sa mandatory Family Planning Seminars at Marriage Counseling na pinangasiwaan ng City Health Office, City Social Welfare Development Office, at ng Local Civil Registry.