November 16, 2024

Ilang probisyon sa panukalang Magna Carta for Seafarers, nais mabago ng stakeholders

Umaalma ang mga stakeholders sa ilang probisyon ng sinusulong na Magna Carta for Seafarers dahil sa sinasabing sobrang higpit at nililimitahan ang industriya ng maritime.

Binanggit ni Felicito P. Dalaguete, Chief Executive Officer ng Asian Institute for Maritime Studies (AIMS), ang paghihigpit sa mga mahihirap na estudyante mula sa mga lalawigan na kumuha ng maritime course.

Binanggit ni Dalaguete karamihan sa mga kumukuha ng seafaring course ay mga anak ng mahihirap na nagnanais umangat sa buhay, at tunay aniya dahil marami ang mga naging seafarers ay gumanda ang takbo ng pamumuhunan, nakapagtayo ng mga sariling bahay, napag-aral ang mga anak at ang iba ay nagkaroon ng sariling negosyo.

Maliban pa rito ang bilyun-bilyong dolyar na remittance sa bansa taun-taon ng mga marino.

Ayon pa kay Dalaguete na alinsunod sa Magna Carta for Seafarers, inaatasan ang mga maritime schools na bumili ng sariling barko para sa kanilang apprentice students, ngunit wala aniyang ibinibigay na anchorage o lugar na maaaring himpilan ng kanilang mga barko.

Dinagdag din ni Dalaguete ang paglalagak ng bond ng  employer ng naghahabol na seafarer na kahit hindi pa tapos ang usapin ay  maaaring kunin na ng seaman ang nasabing bond.

Sa ika-30 founding anniversary ng AIMS, sinabi ni Dalaguete na sa sandaling lagdaan na ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang naturang Magna Carta ay hindi na nila idudulog sa Korte Suprema ngunit hihilingin nila sa Pangulo na baguhin ang ilang probisyon na maaaring magresulta sa pagsasara ng malaking bilang ng maritime schools.