November 24, 2024

KRIS AQUINO, LUMALABAN SA SAKIT PARA SA MGA ANAK NA SINA BIMBY AT JOSHUA

AYAW na talagang tantanan ng sakit itong si Kris Aquino, pero sa kanya bawal ang sumuko tuloy lang ang laban. Kahit may bago na naman siyang sakit, bawal pa rin ang sumuko para sa kanya.

Dinaan na lamang niya sa pag-iyak ng lumabas ang resulta ng bago niyang blood count test. Mayroon na naman kasing nagma-manifest at bago itong autoimmune disease sa kanyang katawan ang lupus.

“Humina ang katawan ni Kris Aquino, nabawasan na rin siya ng kanyang timbang at halos nawalan na siya ng ganang kumain kaya namayat din ang kanyang pangangatawan.

“Sa ginawang treatment para sa kanyang active rare autoimmune diseases, doon nalaman na may bago na naman siyang sakit. Ito iyong Churg Strauss/EGPA at ang Crest Syndrome. Lumalabas na rin ang mga symptom ng kanyang sakit, gaya ng SLE, o ang systemic lupus erythematosus, ang common form ng lupus.

“Umaasa na lamang siya sa pagpapala ng Diyos sa mga sakit na kanyang pinagdadaanan sa ngayon, lumalakas siya dahil sa kanyang mga anak na sina Joshua at Bimby. At sa mga taong patuloy siyang ipinagdarasal na gumaling, at sa ngayon ay muli nang bumalik ang gana niya sa pagkain,” may ngiting pahayag ng aking source.