December 24, 2024

2 tulak kulong sa P100K shabu sa Caloocan

TINATAYANG mahigit P.1 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos matimbog sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong mga suspek na sina alyas “Edong”, 30 ng Brgy. 86 at alyas “Badjong”, 21 ng Brgy. 120, kapwa ng lungsod.

Ayon kay Col. Lacuesta, dakong 2:18 ng madaling araw nang maaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt. Emmanuel Aldana ang mga suspek sa buy bust operation sa 2nd Avenue BMBA Compound, Barangay 120.

Nakumpiska sa kanila ang nasa 16.06 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P109,208.00 at buy bust money na isang P500 bill, kasama ang anim pirasong P500 boodle money.

Ani Col. Lacuesta, nag-ugat ang pagkakaaresto sa mga suspek matapos magpositibo sa isinagawang validation ng SDEU ang ibinunyag sa kanila ng isang regular confidential informant (RCI) hinggil sa illegal drug activities ni Edong.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.