November 24, 2024

PATAFA TARGET NG MAS MARAMING SLOT SA 2024 PARIS OLYMPICS

Tiwala ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na magkakaroon pa ng ibang manlalaro na sasabak sa 2024 Paris Olympics.

Sinabi ni PATAFA secretary-general Edward Kho na bukod pa kay World Number 2 pole vaulter EJ Obiena ay may ilang kumpetitors pa sila na malakas na tsansang makapasok sa Olympics bago ang qualifying tournament sa Hunyo 30.

Ilan sa mga binanggit nito ay sina 110 meter hurdler John Cabang, long jumper Janry Uba, 400m runner Lauren Hoffman at 400m hurdler Robyn Brown.

Dagdag pa nito na kapag mayroon pang isang lalaki na makapasok sa Olympics ay magkakaroon pagbubukas ng universality slot para sa mga babae.

Mayroong tatlong pagkakataon para makapasok ang mga ito sa Olympics, una ay dapat makapasok sa Olympic qualifying games.

Pangalawa ay makakuha ng sapat na world ranking points at ang pangatlo ay universality rule.

Ilan sa mga torneo na sasalihan ni Cabang at Ubas ay ang World Indoor Meeting sa Astana sa darating Enero 27 at Asian Indoor Athletics Championship sa Tehran sa darating na Pebrero 17-19. RON TOLENTINO