TODAS ang driver ng isang sport utility vehicle (SUV) habang sugatan naman ang dalawang pasahero nito nang masunog ang kanilang sasakyan matapos bumangga sa isang Isuzu truck sa southbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX) Skyway sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, dead on the spot si Michael Sanchez habang ang kanyang pasahero na sina Kristiana Yanhi Noga at Carlo James Reyes, ay bahagyang nasugatan na ginamot ng remespondeng mga tauhan ng Malabon Rescue Team.
Ani Traffic investigator P/SSg Baltazar Gallangi, minamaneho ng biktima ang isang Audi Q8 SUV sa southbound lane ng Skyway dakong alas-11:45 ng gabi nang bumangga sa likurang bahagi ng Isuzu truck (NAI-8664) na minamaneho ni Richard Tormes.
Sa lakas ng impact, bumaligtad ang sasakyan ng biktima at nasunog na nagresulta sa agarang pagkamatay ni Sanchez.
“Tinangka pang iligtas ng dalawang pasahero ang driver bago lumiyab ang sasakyan pero wala na raw malay ang biktima nang magsimulang lumiyab ang sasakyan. Nagmagandang loob lang pala yung driver na ihatid sa Espana ang dalawa matapos nilang manood ng laban ng UP at De La Salle sa Araneta Coliseum,” sabi ni Sgt. Gallangi sa isang panayam. Kasalukuyang nasa tanggapan ng Malabon Police Traffic Enforcement Unit ang driver ng Isuzu truck na hindi naman nasaktan para sa imbestigasyon.
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE