May 18, 2024

2 KOREANO NATAGPUANG PATAY SA SAUNA SA BATANGAS RESORT

HINDI na umabot pa ng buhay ang dalawang Koreano habang patuloy namang ginagamot ang isa pa nilang kababayan matapos isugod sa Saint Camilus Hospital makaraang matagpuan sa loob ng sauna room ng Sea Spring Resort sa Barangay Mainit, Mabini, Batangas.

Kinilala ang mga dalawang dayuhang nasawi na sina Sun Tae Kim, 67, at Yun Seok Seo, 63.

Malubha naman ang kalagayan ng isa pa nilang kasama na si Hak Neung Kim, 59.

Ayon sa ipinadalang report ni Mabini Municipal Station Chief of Police, Major Arwin Baby Caimbon kay Batangas Provincial Director Police, Colonel Samson Belmonte, pawang mga nakainom ang mga biktima nang magtungo sa nasabing resort para mag-relax dakong alas-3:00 ng madaling araw.

Subalit makalipas ang ilang minuto ay nakita na lamang ng mga empleyado ang mga biktima na pawang mga nakahandusay sa sahig ng kwarto ng sauna sa nasabing resort.

Agad namang isinugod sa nabanggit na ospital ang tatlo subalit idineklarang dead on arrival sina Kim at Seok, ayon sa mga rumespondeng doktor.

Nagpapatuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon at autopsy examination ng Batangas Provincial Forensic Unit at wala pang resulta kung may naganap na foul play sa nangyaring insidente. (KOI HIPOLITO)