December 21, 2024

BULOK NA KARNE IBINEBENTA SA ONLINE

Aabot sa P40 milyon halaga ng umano’y smuggled na peking duck at iba pang karne ang kinumpiska ng awtoridad sa Navotas City ngayong Biyernes.

Isinagawa ng Department of Agriculture (DA)  ang pagsalakay matapos makatanggap ng impormasyon na kahit bulok na ang mga karne ay ibinebenta pa rin ito sa online.

Umaabot sa halos 130,000 kilo ng karne ang nakumpiska na mabaho na dahil nabubulok na umano ito sa warehouse.

“Kung nakakaamoy lang mga camera natin… talagang pati cameraman masusuka dahil nakakasulasok yung amoy,” sabi ni Dennis Solomon from the DA Inspectorate and Enforcement team.

“Hindi na po din siya safe kainin, so eto po yung hindi dapat makarating sa hapag kainan ng mga Filipino,” dagdag pa nito.

Ipinasara na rin ng lokal na pamahalaan ng Navotas ang bodega habang patuloy na iniimbestigahan ang kaso.