SUPORTADO ni Sen. Robinhood Padilla ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isyu na payagang papasukin ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas para paimbestigahan ang “crimes against humanity” sa bansa noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Padilla na dapat nang papasukin ang ICC upang matuldukan ang matagal nang isyu sa war on drugs ni Duterte na nagdudulot lamang ng pagkalito sa sambayanan.
“Ang pahayag na ito ay patungkol sa aking pagtindig sa likod ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas – ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. – pagdating sa usapin ng pagpasok ng International Criminal Court (ICC) sa ating bansa upang magsagawa ng kung anumang imbestigasyon,” ayon kay Padilla.
“Matagal na pong natapos ang usaping ito nang umalis tayo bilang miyembro ng ICC noong panahon ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kung kaya’t hangad nating matuldukan na ang isyung ito. Wala po itong idinudulot sa ating mga kababayan kundi kalituhan,” dagdag pa ng senador.
Matatandaan na Marso 2018 nang ipinag-utos ni Duterte ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute, na lumikha sa ICC.
Ito’y matapos ianunsiyo ni ICC Prosecutor Fatou Bensouda na kanyang sisimulan ang pagsasagawa ng preliminary examination laban kay Duterte kaugnay sa reklamo sa madugong giyera kontra droga.
Kamakailan, tinalakay ng House of Representatives (HOR) ang House Resolution (HR) Nos. 1393 at 1477, na humihiling sa Philippine government na makipagtulungan sa ICC hinggil sa imbestigasyon laban kay Duterte sa reklamo sa madugong war on drugs.
More Stories
Gatchalian sa DOLE: Gumamit ng proactive approach para kanselahin ang permit ng mga dayuhang manggagawa ng POGO
MARCOS: MAGDASAL, MAGKAISA SA GITNA NG SUNOD-SUNOD NA KALAMIDAD
1ST SOUTHEAST ASIA SUDOKWAN C’SHIP IHU-HÒST NG PILIPINAS