Mariing kinundena ng mga grupo sa karapatang-tao ang pagpapawalang-sala ng isang korte sa Malolos, Bulacan ngayong araw, Oktubre 6, kay retiradong berdugong heneral na si Jovito Palparan sa mga kasong isinampa sa kanya ng magkapatid na Raymond Manalo at Reynaldo Manalo.
Noong 2006, nagsampa ang magkapatid ng kasong kidnapping, serious illegal detention with serious physical injuries laban sa heneral. Dinukot ang magkapatid mula sa kanilang bahay sa San Ildefonso, Bulacan noong Pebrero 2006 at iligal na ikinulong sa kampo militar kung saan dumanas sila ng tortyur hanggang nakatakas sila noong Agosto 2007.
“Mahirap tanggapin,” pahayag ng mga abugado mula sa National Union of People’s Lawyers kaugnay sa hatol. Ang NUPL ang nagsilbing pribadong prosekyutor sa kinonsolidang mga kasong kriminal laban kay Palparan at iba pa noong 2016. “Sa gitna ng ating panlulumo sa resulta ng kaso, inaalala din natin sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, na tulad ng magkapatid na Manalo, ay parehong dinakip nina Palparan at iba pa. Hanggang ngayon, hindi pa rin natatagpuan ang dalawa.
Ayon kay Edre Olalia, tagapangulo ng NUPL, napakahirap ipaliwanag sa magkapatid na Manalo, sa magulang ng nawawalang sina Karen at Sherlyn at marami pang ibang biktima ni Palparan na hindi nila maasahang mabibigyan sila ng katarungan sa mga korte kahit pa una nang tinanggap ang mga salaysay kaugnay dito ng mas nakatataas na mga korte.
Matatandaang naging batayan ang salaysay ng magkapatid para hatulang nagkasala si Palparan sa kasong kidnapping kina Cadapan at Empeño.
Sa isang pahayag, sinabi ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas, na ang pagpapawalang-sala kay Palparan ay lalong magpapalakas ng loob ng mga pasistang kriminal sa AFP at susulsol sa kultura ng kawalang pakundangan.
“Ang pagpapawalang-salang ito ay ginawa sa panahong pinatitindi ng rehimeng Marcos ang kampanya nito ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang, mga pagdukot at tortyur laban sa mga unyonista, aktibistang panlipuan, mga organisador ng komunidad, tagapagtanggol sa kalikasan at iba pang progresibong grupo at indibiwal,” aniya.
“Ang mga taktika sa teror na ginamit ni General Palparan noong kumander siya ng iba’t ibang yunit ng AFP, partikular ang taktika ng pagdukot, sikretong detensyon at tortyur, ay parehong mga taktikang ginagamit ngayon ng AFP.”
Sinalubong ng protesta ang pagpapawalang-sala sa labas ng korte ang mga grupo sa karapatang-tao, gayundin ang mga kaanak ng iba pang biktima ni Palparan at ng berdugong AFP. Nagkaroon din ng protesta sa Quezon City sa gabi ng parehong araw.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA