November 19, 2024

AstraZeneca PH, ilang grupo nagsanib-pwersa kontra lung cancer

DAHIL sa layuning mapalakas ang pagpapatupad ng Screen to Beat Lung Cancer program sa mga istratehikong lugar sa bansa, nakipagsanib-pwersa ang AstraZeneca Philippines sa Tingog Partylist at Cancer Coalition Philippines (CCPH).

Sa pamamagitan ng artificial intelligence-assisted chest x-ray technology, layunin  ng programa na matanggal ang lung cancer bilang nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino sa bansa.

Nabatid na sa tulong ng programa, maisasagawa ang end-to-end lung cancer ecosystem solution na magbibigay-daan para agad na ma-diagnose at makatanggap nang maayos na serbisyong medikal ang mga cancer patient.

Katuwang ang AstraZeneca at Cancer Coalition Philippines, pangungunahan nina Rep. Yedda Marie Romualdez at Rep. Jude Acidre ng Tingog Partylist ang pagbuo ng mga mekanismo para mapahusay, mapanatili at malaman ang impact ng program sa mga pasyente at kanilang mga pamilya.

Pahayag ng lady solon, kung mapaiigting ang early detection and screening,  tiyak aniya na tataas ang pagkakataong mabuhay ang isang cancer patient.

Siniguro naman ni AstraZeneca Philippines President Lotis Ramins, na kanilang pahuhusayin ang early diagnosis and survival outcomes sa mga lung cancer patients sa Pilipinas na isa aniya sa mga pangunahing isinusulong nila sa ilalim ng Global Lung Ambition Alliance.