December 24, 2024

Mga Ahensiya ng Gobyerno Kailangang Bilisan ang Pagkilos Upang Masagip ang mga Batang Hawak ng Grupong Socorro

Nananawagan sa pamahalaan ang child rights advocates na sagipin sa malupit na kamay ng sinasabing kulto na Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) sa Surigao del Norte.

Ang panawagan ni Romeo Dongeto, convenor ng Child Rights Network (CRN) at Executive Director ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD) ay sa harap ng ulat na dumaranas ng iba’t ibang uri ng kalupitan ang mga bata sa kamay ng mga lider ng Socorro.

Binanggit ni Dongeto na kumilos na ang Department of Justice (DOJ) at ang Senado upang masagip ang mga kabataan ngunit kailangan aniyang makasama sa paglutas sa kinakaharap na suliranin ang Department of Social Welfare and Development at Department of Education  upang matukoy ang nakahihindik na alegasyon laban sa Socorro o Kapihan.

Kailangan aniyang maging pursigido at puspusan ang paggalaw ng mga otoridad, at huwag hayaang malimutan ang paglabag sa mga karapatan ng mga kabataan.

Ito aniya ang panahon upang gamitin ang buong lakas ng puwersa ng mga ahensiya ng gobyerno upang mapanagot sa kanilang krimen ang  naturang grupo.

Dinagdag din ni Dongeto na maikli lamang aniya ang oras at dapat samantalahin ito lalo na at hindi maaaring maghintay na lamang ang mga kabataan.

Ilan aniya sa mga kasong maaaring isampa laban sa mga lider ng Socorro ay ang paglabag sa Raising the Age of Sexual Consent Law (RA 11648); Prohibition of Child Marriage Law (RA 11596); Anti-Trafficking in Persons Act (RA 9208);   Expanded Anti-Trafficking in Persons Act (RA 11862);  Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act (RA 7610).