November 24, 2024

MGA GAWAING PANGKAPAYAPAAN AT PANGKAUNLARAN SA PAMAYANANAN SA NASASAKUPAN NG AIR INSTALLATION AND BASE DEVELOPMENT COMMAND (AIBDC)

Ang Air Installation and Base Development Command (AIBDC) ay isang mahalagang yunit sa ilalim ng Hukbong Himpapawid ng Pilipinas o Philippine Air Force (PAF) at kasalukuyang nasa ilalim ng pamumuno ni BGEN PABLO E RUSTRIA JR PAF. Ito ay isa sa mga tanggapan ng PAF na nagsusulong at nagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan at proyektong pangkaunlaran ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas upang makapaglingkod ng tapat at mabilis sa ating mamamayang Pilipino.

Sa katunayan, ang AIBDC sa pamamagitan ng ACCS for Civil-Military Operations, C7 ay malugod na ipinagmamalaki sa ating mga mamamayang Pilipino na ito ay nakapagsagawa ng mga aktibidades sa buong Pilipinas simula noong Hulyo hanggang Setyembre taong kasalukuyan.

Isa sa mga aktibidad nito na ginanap sa Lungsod ng Pasay at Taguig ay ang Seminar tungkol sa Humanitarian Assistance and Disaster Response na kung saan ay layunin nito na makapagbigay ng sapat na kaalaman hinggil sa pangunahing lunas at mga epektibong paraan na dapat gawin tuwing may sakuna o kalamidad, ito ay dinaluhan ng higit kumulang 200 mamamayan ng nasabing lugar.

Bilang karagdagan, ang C7, AIBDC ay masugid na nakikilahok at nakikipag-ugnayan sa pamahalaang lokal ng Pasay at Taguig upang ipatupad ang mga programa at proyekto na magpapanatili sa minimithing malawakang kapayapaan sa komunidad.

Isa sa mga paraan nito ay ang pagsasagawa ng Pamphlets Distribution sa mga naturang lugar tungkol sa agarang pagtugon sa tuwing may sakuna.

Bukod dito, ang C7, AIBDC ay nagsagawa ng Information Drive sa mga residente, opisyales, tanod, health workers ng mga barangay at mga guro, estudyante ng paaralan ng Lungsod ng Pasay hinggil sa mga talamak na panghihikayat ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front o mas kilala sa tawag na CPP-NPA-NDF upang maging kasapi sa nasabing makakaliwang grupo.

Ito ay detalyadong pinaliwanag ni LTC DENNIS M RIETA PAF kung paano nililinlang at hinihikayat ng makakaliwang grupo ang mga kawani ng gobyerno at mga estudyante.

Binigyang diin din ng naturang programa ang tungkulin ng bawat mamamayang Pilipino na suportahan ang adbokasiya ng gobyerno na nakalaad sa programang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) o Whole-of-Nation approach. Ang PAF ay patuloy na magsasagawa ng mga inisyatibo o mahahalagang programa tungkol sa kumprehensibong pamamaraan ng mga gawaing pangkapayapaan at pangkaunlaran sa pamayananan upang ang bawat mamamayan ay maging handa sa anumang kalamidad at ligtas sa mga maling adhikain ng makakaliwang grupo tungo sa kapayapaan at kaunlaran ng Pilipinas.